Mark Joven Olvido: Mula sa tagumpay sa PGT, naligaw ng landas, at ngayon muling bumangon.

"Isang patunay na kahit sa pinakamasalimuot na yugto ng buhay, may pag-asa tayong muling bumangon at magsimula ng panibagong buhay.”

Ipinanganak noong Disyembre 3, 1989 sa Santa Cruz, Laguna, si Mark Joven Olvido at natapos ang kanyang pag-aaral sa Pedro Guevara Memorial National High School.

Lumaki siya sa isang simpleng pamilya na nagsilbing matibay na pundasyon ng kanyang mga pangarap. Bata pa lamang siya, kapansin-pansin na ang kanyang likas na kakayahang magpasaya—isang talento na hindi lamang nagbibigay aliw, kundi nagdudulot rin ng tuwa at kasiyahan sa damdamin ng mga taong nakapaligid at nakakapanood sa kanya. Dala ng pangarap at determinasyon na maipakita ang kanyang galing at talento, dumating ang pagkakataon noong 2018 nang sumali siya sa Pilipinas Got Talent. Dito, nasubok ang kanyang talento at puso, at unti-unti niyang natagpuan ang kanyang daan tungo sa tagumpay at inspirasyon.

Matapos ang kanyang tagumpay sa PGT, nabigyan rin siya ng pagkakataong makatrabaho ang mga kilalang personalidad sa industriya. Napasama siya sa Ang Probinsyano, kung saan nakatrabaho niya rito si Coco Martin, at nakasama rin siya sa pelikula nina Vice Ganda at Vhong Navarro.

Ngunit hindi nagtagal, dumating ang isang yugto ng matinding hamon sa kanyang buhay. Unti-unti siyang naligaw ng landas at naimpluwensiyahan ng maling kapaligiran, na humantong sa kanyang pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot at pagkawala ng lahat ng kanyang pinaghirapan.

Ang panahong iyon ay puno ng pagsisisi sa kanya, ngunit nagsilbi ring mahalagang pagkakataon para sa kaniya ng realization o pagninilay. Sa loob ng kulungan, hinarap ni Mark ang kanyang sarili—tinanggap ang kanyang mga pagkakamali at unti-unti niyang na realize na gusto na niyang baguhin ang direksyon ng kanyang buhay. 

Pagkalaya niya, Dito nagsimula ang tunay niyang pagbabagong-buhay. Pinili niyang bumangon at muling ituwid ang kanyang landas. Gusto niyang ibalik ang kanyang sarili sa pagpapasaya ng tao, sa pamamagitan ng pagpapatawa, at sa pagbibigay inspirasyon sa iba. Sa kasalukuyan, aktibo siyang tumutulong sa negosyo ng kanyang kapatid at patuloy na nagsusumikap na maging mabuting tao. Para kay Mark, ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa kasikatan o oportunidad, kundi sa kakayahang matuto mula sa nakaraan, magsimulang muli, at magpatuloy sa pagbibigay kasiyahan sa kapwa.

Ang kanyang kuwento ay isang matibay na paalala na kahit gaano kalaki ang pinakamasalimuot na yugto ng buhay ay may pagkakataon tayong bumangon, baguhin ang sarili, at muling magsimula. Sa bawat kasiyahan, ngiti at tawa na naibibigay niya, dala ni Mark Joven Olvido ang isang mensahe ng pag-asa: na anuman ang pinagdaanan mo, may bagong simula at liwanag na naghihintay sa bawat isa.



Post a Comment

Previous Post Next Post